Maliliit na pagputok sa Bulkang Mayon asahan na –¬†PHIVOLCS

Maliliit na pagputok sa Bulkang Mayon, asahan na ayon kay Resident Volcanologist Ed Laguerta, aniya mainit pa ang taas na bahagi ng bulkan, sa ganitong kondisyon ng Mayon, normal ang pagkakaroon ng maliliit na pagputok.

Katunayan sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng tatlong phreatic explosions.

Una bandang alas- 7:59 ng umaga kahapon, na nasundan dakong alas-8:05 at bandang alas-5:33 kaninang umaga, nagdala ito ng ash column na umabot ang taas sa 500 metro mula sa tuktok ng bulkan.

Ayon sa eksperto, ang mga ito ay pawang steam driven at mababaw lamang ang pinagmumulan. 

Binigyan diin ng opisyal, na ang aktibidad ng bulkan sa ngayon ay tira-tira sa nakalipas na malakas na pagputok nito mula buwan ng Enero hanggang Abril ngayong taon.

Nag-abiso ang opisyal, na huwag umakyat sa bulkan lalong-lalo na ang mga mountain climber, dahil sa mapanganib ito, ang ganitong pagputok ay walang precursor o signs. | ulat ni Nancy Mediavillo – Radyo Pilipinas Albay