Malalaking coconut oil millers, bibilhin na ang copra sa halagang P24 sa coco farmers – Sec. Piñol

Pumayag na ang ilang malalaking coconut oil millers na bumili ng direkta ng copra sa mga coco farmer sa millgate price na P24 kada kilo.

Kasunod ito ng pakiusap ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa mga miller, na nangako naman upang mapigilan ang tuluyang pagbagsak ng presyo ng copra at para matulungan ang mga magsasaka ng niyog.

Tiniyak din ng Agricultural Credit Policy Council ng Department of Agriculture (DA), na magbibigay ng easy access credit sa mga organized coconut farmer para makakuha ng working capital.

Naatasan naman ang mga regional office ng DA na asistihan ang mga magsasaka na mahakot ang kanilang produkto sa mga oil mill.

Sinabi pa ni Piñol, ang direct selling scheme para sa copra farmers ay ang napagkasunduan ng DA at Philippine Coconut Authority (PCA) bunsod ng mga reklamo sa mababang presyo ng copra.

Mula sa higit P40 kada kilong copra, bumagsak na ito ngayon sa pinakamababang presyo na P8 sa mga remote area.

Ang direct selling scheme ay inaasahang makatutulong sa may apat na milyong magniniyog sa bansa hanggang sa inaasahang muling pagsigla ng presyo ng copra sa kalagitnaan ng taong 2019. | ulat ni Rey Ferrer