Malaking bahagi ng 2022 budget ng DPWH, nakalaan para sa COVID-19 facilities

Nilinaw ng MalacaƱan na malaking bahagi ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2022 ay nakalaan pa rin sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nang tanungin kung bakit mas malaki ang budget na inilaan sa DPWH kumpara sa budget ng Department of Health (DOH) sa 2022.

Matatandaang nasa P686.1 billion ang proposed 2022 budget ng DPWH, habang P242 billion naman ang sa DOH.

Ayon kay Secretary Roque, DPWH kasi ang tumututok sa pagtatayo ng mga temporary treatment at modular facilities (TTMFs), maging ng mga modular hospital.

Malaking bahagi aniya ng budget ng DPWH ay nakalaan pa rin sa pagtugon ng COVID-19, lalo’t nananatili na ang kalusugan ng mga Pilipino ang prayoridad ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Talaga pong prayoridad natin ang kalusugan sa panahon ng pandemya pero huwag po nating kalimutan iyong ating mga TTMFs, iyong ating mga modular hospitals, ang nagpapatupad po niyan DPWH din. So, malaking bahagi po ng budget ng DPWH ay para din po sa ating COVID response.” paglilinaw ni Secretary Roque.