Malacañang, wala pang posisyon sa posibilidad na pagdedeklara ng holiday ceasefire ng NPA

Wala pang posisyon sa ngayon ang Palasyo kung magdedeklara ito ng holiday truce sa grupo ng komunista.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na posible itong mapag-usapan pa lamang.

Maaaring mabuksan aniya ito sa nakatakdang cabinet meeting ngayong hapon.

Sa gitna na rin ito ng ulat na kung si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang tatanungin, hindi ito pabor na magkaroon ng inisyatibo ang pamahalaan na magdeklara ng unilateral ceasefire sa New People’s Army (NPA).

Mas maigi sana ayon kay Panelo, ay permananteng truce na ang mangyari sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP/NPA, upang matigil na ang bloodshed o pagdanak ng dugo.

Magugunitang Disyembre 24, 2017 hanggang Enero 2 ngayong taon ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Suspension of Military Operations  (SOMO) sa rebeldeng komunista. | ulat ni Alvin Baltazar