Malacañang, wala pang pasya sa resolusyon ng Davao City Council na alisin ang ML sa Davao

Hindi pa nakikita ng Malacañang ang resolusyon ng konseho ng Lungsod ng Davao na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ng isama ang kanilang siyudad sa ilalim ng Martial Law.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, hindi pa nila nakikita ang inaprubahang resolusyon ng Davao City Council kasunod ng ginawang paghahain ng Peace and Public Safety Committee.

Ganunpaman, sinabi ni Panelo na sa pagpapatupad ng batas militar, kailangan ay buong rehiyon ang implementasyon nito gayung baka lumipat lang ang gulo sa isang lugar na hindi saklaw ng Martial Law at doon naman maghasik ng karahasan ang mga terorista.

Iyon, ayon kay Panelo, ang nakikita niyang problema kung magkakaroon ng exemption sa isang lugar sa umiiral nang martial rule sa Kamindanawan pero kailangang aniya pa rin itong pag-aralan.

Tatanungin din aniya tungkol dito ang Chief Executive at malaman kung ano ang magiging posisyon nito.