Malacañang, umalma sa puna ng mga kritiko na nakatuon lang kay Trillanes ang gobyerno

Sinagot ng Malacañang ang mga kritiko nito na nagsasabing bakit nakatutok ang gobyerno kay Senador Antonio Trillanes IV sa halip na ang pagtuunan ng pansin ang problema sa inflation, oil price hike at iba pang kinakaharap na problema ng bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi totoong walang ginagawa ang pamahalaan na may kinalaman sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Katunayan ayon kay Roque, na kumikilos ang gobyerno upang tugunan ang usapin na may kinalaman sa pagkain, inflation at iba pa, gaya nang paglalabas kahapon ng Malacañang ng tatlong memorandum orders na magpapabilis sa pagdating sa merkado ng mga inaangkat na produkto.

Sa kabilang dako’y inihayag ni Roque, na bagamat hindi mapigilan ang inflation dahil sa pagtaas sa presyo ng langis, iniibsan naman ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng lahat ng maaaring gawin upang mapababa ang bilihin lalung-lalo na ang pagkain.

Samantala, inihayag ni Roque na hindi sila umaasang titigil na si Trillanes sa pagiging kritiko nito sa gobyerno, ngunit dapat nitong harapin ang kanyang pananagutan na ginawa niya sa nakaraan. | ulat ni Alvin Baltazar