Malacañang, umaasang hindi makakaapekto sa binabalangkas na MOU para sa mga OFW sa Kuwait ang lumabas na rescue operations video ng embahada doon

Tumanggi muna maglabas ng pahayag ang Malacañang tungkol sa lumabas na video ng rescue operations ng mga Pinoy official sa mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Kuwait.

Sa briefing sa Malacañang ngayong araw, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na hihintayin muna ng Palasyo ang konkreto at opisyal na report mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Naghain kasi ng diplomatic protest ang Kuwaiti government dahil sa lumabas na video ng rescue operations at pina-summon si Philippine Ambassador Renato Villa dahil dito.

Ani Roque, importanteng malaman ang buong detalye ng pangyayari sa ginagawang pagliligtas sa mga distressed OFW.

Umaasa naman ang Palasyo na hindi makakaapekto sa binubuong memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas para sa kapakanan ng mga OFW ang naturang insidente.

Base kasi sa update ng mga opisyal ng Pilipinas na kakauwi lang mula Kuwait para sa negosasyon sa MOU, sinang-ayunan naman ng mga Kuwaiti official ang mga nilatag na kondisyon ng ating bansa. | via Nimfa Mae Asuncion