Malacañang, umaapela sa lahat na alamin at sundin ang vaccination schedule ng LGUs

Umaapela ang Malacañang sa publiko, na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan kaugnay sa paggulong ng COVID-19 vaccination program sa kanilang mga lugar.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa isang mall sa Parañaque kahapon para sa bakuna.

“Iwasan natin ang nangyaring vaccine rollout sa isang mall sa Parañaque kahapon, kung saan nagkumpol – kumpulan ang mga tao, at nawala ang social distancing.” —Secretary Roque.

Ayon sa kalihim, batid niya na na-excite ang mga ito sa COVID-19 vaccine ng Pfizer.

Gayunpaman, kailangan aniyang mahigpit na sundin ng lahat ang schedule na itinatakda ng mga lokal na pamahalaan, kung sinong grupo o indibidwal lang ang babakunahan sa partikular na petsa.

Sundin rin aniya ang mga umiiral na health protocols.

Paalala ng kalihim, kailangang maiwasan na maging super spreader ng virus ang vaccination facilities, na nakalaan para maisalba ang buhay ng mga Pilipino laban sa COVID-19.