Malacañang, tiwalang kaya ng bansa na gawing positive figure ang GDP nito sa susunod na quarter

Positibo ang Malacañang na kaya ng Pilipinas na magkaroon ng positive Gross Domestic Product (GDP) sa susunod na quarter ng taong kasalukyan.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan lumalabas na mula sa 8.3 percent na GDP noong 4th quarter ng 2020, nasa 4.2 percent na ito ngayong unang quarter ng 2021.

Ayon kay Secretary Roque, bagamat nakakalungkot na nananatiling negatibo ang pigura ng GDP, nakakita naman aniya ng improvement dito.

Sabi ng kalihim, patuloy naman na umaakayat ang GDP ng bansa.

Mayroon pa aniyang walong buwan ang 2021, at kaya pang habulin ang GDP na ito, upang maging positibo nang muli sa mga susunod na quarter.

Dahil dito, muling nanawagan ang kalihim sa publiko, na patuloy na pag ingatan ang buhay at kalusugan, upang makapagtuloy-tuloy rin ang paghahanap-buhay, at pagbubukas ng ekonomiya, sa gitna ng paggulong ng COVID-19 vaccination program at patuloy na paglaban sa pandemiya.