Malacañang, tiwalang hindi maaapektuhan ang turismo ng bansa sa naganap na Jolo bombing

Kumpiyansa ang Malacañang na hindi makakaapekto sa turismo ng bansa ang kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Cathedral sa Jolo, Sulu, na ikinasawi ng mahigit dalawampung indibidwal at ikinasugat ng marami.

Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, sa kabila ng pagpapalabas ng travel warning ng United Kingdom sa mga mamamayan nito na iwasan ang Pilipinas sa mga pupuntahan nitong mga bansa.

Naniniwala si Panelo, na hindi makakaapekto sa imahe ng Pilipinas ang nangyaring pagsabog sa Sulu dahil isolated naman umano ang naturang pangyayari.

Paliwanag ng kalihim, malaya pa naman umano ang mga turista na makapamasyal sa iba pang lugar sa bansa tulad ng Metro Manila, Davao, Cebu, kung saan walang nangyayaring kaguluhan.

Nilinaw din ni Panelo, na hindi naman tuluyang pinagbabawalan ng UK ang kanilang mamamayan na magtungo sa Pilipinas bagkus ay pinag-iingat lamang ang mga ito. | ulat ni Alvin Baltazar