Malacañang, tiniyak na umuusad ang mga hakbangin para maayos ang hindi pagkakaunawaang namagitan sa Pilipinas at Kuwait

Siniguro ng pamahalaan na may nagaganap na mga hakbangin upang ganap ng maplantsa ang anumang gusot na namagitan sa Pilipinas at Kuwait.

Ang pagtiyak ay ginawa ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, kaugnay ng nalikhang kontrobersiya ng pagpapalabas ng video sa isang insidente ng ginawang pagtulong ng embahada sa ilang mga Pinay worker na humingi ng saklolo sa kanila.

Ayon kay Roque, maraming nagaganap na usapin sa kasalukuyan ngunit mas maiging huwag na lang munang maisapubliko.

Ipinagpaumanhin naman ito ni Roque na nagsabing dapat ding maisaalang-alang ang nakararami kaya’t mabuting huwag na munang maglahad ng anumang detalye sa inaayos na kontrobersiya.

Sa kabilang banda’y hindi naman nawawala ang pag-asa ng Palasyo na matutuloy pa rin ang memorandum of understanding (MOU) na naglalayong mas mabigyan ng proteksiyon ang mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa Kuwait. | via Alvin Baltazar