Malacañang, tiniyak na hindi makaaapekto sa kaso laban kay Zaldy Ampatuan ang pansamantalang pagpapalaya dito

Nadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpayag ng korte na pansamantalang palayain si Maguindanao massacre suspect Zaldy Ampatuan para makadalo sa kasal ng kanyang anak na babae nitong Martes.

Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na tutol ang Pangulo at ang prosekusyon sa mosyon ng kampo ng mga Ampatuan.

Tiniyak rin ni Roque sa mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na ang furlough na binigay kay Ampatuan ay hindi makaaapekto sa gumugulong na kaso laban dito.

Nahaharap si Ampatuan sa 58 counts ng murder bilang itinuturong mastermind sa massacre noong taong 2010 na ikinasawi ng tatlumpu’t dalawang mamamahayag at ilang kaanak at tagasuporta ng katunggali nila sa pulitikang si Esmael “Toto” Mangudadatu.

Matatandaang nitong Hunyo, inatasan na ni Pangulong Duterte ang mga government prosecutor na gawin ang lahat para makapaglabas na ng partial resolution sa kaso bago matapos ang taong ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion