Malacañang, pinuri ang PNP sa pagtutok sa kaso ng pagpatay kay Rep. Batocabe at security aide nito

Pinuri ng Malacañang ang pambansang pulisya sa pagtukoy nito sa mga personalidad na dawit sa pagpaslang kay AKO Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maituturing na malaking hakbang ang pagdetermina ng Philippine National Police (PNP) kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo at iba pang suspek, upang mabilis na maibigay ang hustisya sa pinaslang na kongresista.

Pagtiyak ni Panelo, hindi maaantala ang gagawing pag-uusig sa mga akusado lalo na sa sandaling ito’y nasa hurisdiksiyon na ng hukuman.

Idinagdag ng Malacañang, na mahalaga rin ang kooperasyon at suporta sa pagitan ng PNP at ng lokal na komunidad para labanan ang mga krimen na aniya’y isa sa mga dahilan kung bakit mabilis na naresolba ang kaso ni Batocabe.

Panawagan naman ng Malacañang sa publiko, manatiling nakaalerto at mapagmatiyag sa mga gawain ng mga kahina-hinalang tao sa kanilang paligid at ireport agad ito sa mga awtoridad. | ulat ni Alvin Baltazar