Malacañang, pinayuhan si Rep. Quimbo na idulog ang hirit nitong total lifting sa fuel excise tax sa economic managers ng administrasyon

Pinayuhan ng Palasyo si Marikina Representative Miro Quimbo na makipag-usap na lang sa economic team ng administrasyon.

Ito’y sa harap ng inihihirit ng mambabatas na hindi lang dapat suspensiyon kundi total lifting ng fuel excise tax ang dapat gawin ng pamahalaan, kahit pa patuloy na bumababa ang presyo ng gasolina at krudo sa merkado.

Mensahe ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa kongresista, i-address na lang sa economic managers ang nais nitong mangyari para sa kaukulang pag-aaral.

Ayon kay Panelo, mula doon ay posibleng magkaroon ng rekomendasyon ang economic managers kay Pangulong Duterte sakali’t magsagawa ang mga ito ng evaluation sa ipinupursige ni Quimbo.

Sa ngayon ay nananatiling pending ang House Bill No. 8171 sa House Committee on Ways na ang target ay gawing zero ang excise tax sa kerosene at diesel.

Sa ilalim ng TRAIN Law, P2.50 kada litro ang ipapataw na excise tax sa diesel habang P7 naman kada litro ang sa gasolina.  | ulat ni Alvin Baltazar