Malacañang pinawi ang pangamba ng isang health advocate na baka abutin ng expiration ang mga bakuna ng AstraZeneca

Hindi nakikita ng Palasyo na aabutin ng expiration ang may dalawang milyong doses ng AstraZeneca.

Ito’y sa harap ng panawagan ni Dr. Tony Leachon na bilisan ang vaccination program bago mag-expire sa Hulyo ang mga bakuna na una nang ekslusibong rekomendado sa mga senior.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, wala silang nakikitang problema sa usaping pinangangambahan ng nasabing dating consultant ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Inihayag ni Roque na Mayo pa lamang naman ngayon at hindi aniya kakailanganin ng dalawang buwan bago maubos ang kasalukuyang supply ng AstraZeneca.

Paniniguro ni Roque na isang buwan lang ay siguradong mauubos ang dalawang milyong doses ng nasabing brand ng bakuna na inilaan sa mga elderly.