MalacaƱang: P1M reward money para sa GCTA-freed convicts na ‘di susuko, maaaring hugutin sa intel fund

Maraming pwedeng pagkunan para sa P1 milyon pabuya na una ng inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na handang ibigay ng pamahalaan mai-account lang ang halos 2,000 mga napalayang convict dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, isa ang intelligence fund sa maaaring maging source ng pondo para sa bounty money.

Ganunpaman, ay hindi naman nalinaw ni Panelo kung sa intel fund ng Office of the President huhugutin ang pabuyang naghihintay para sa mga impormanteng makapagtuturo ng isang GCTA freed-convict.

Hindi lang naman kasi tanggapan ng Pangulo ang mayroong intel fund kundi pati na rin ang iba pang government agencies gaya ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at iba pa.

Magkakabisa ang isang milyong pisong pabuya bukas habang ituturing na ring fugitive ang mga GCTA-freed convicts na hindi magsisisuko hanggang ngayong araw na ito.