Malacañang, nilinaw na proposal pa lang ang pag-takeover ng pamahalaan sa Hanjin Shipyard

Wala pang pinal na desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y pag-takeover ng gobyerno sa Hanjin Shipyard sa Subic, Zambales.

Ito ang ginawang paglilinaw ngayon ng Malacañang kasunod ng naging pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pagdinig sa Senado kahapon na posibleng ang gobyerno na ang mamahala sa shipyard.

Nilinaw ni Panelo, na sa ngayon ay hindi pa sigurado kung ang gobyerno ang sasalo sa pamamahala ng shipyard dahil ito ay mungkahi pa lamang ni Secretary Lorenzana.

Ganunpaman, hindi naman daw sarado ang Chief executive sa naturang panukala ng defense chief kaya’t tiyak aniyang ito’y pag-aaralang mabuti muna ng gobyerno.

Pero para kay Panelo, pabor siya sa pinalutang na mungkahi ni Lorenzana gayong additional income ito sa gobyerno.