Malacañang, nananatili ang tiwala kay Sec. Diokno sa alegasyong conflict of interest

Sa gitna ng alegasyon ngayon laban kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, hinggil sa umano’y koneksiyon sa isang contractor na nakakuha ng maraming proyekto sa gobyerno, sinabi ng Malacañang na hindi nawawala ang tiwala ng Palasyo sa budget chief.

Sa press briefing sa Malacañang, inilarawan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo si Diokno na isang “man of integrity.”

Kapag sinabi aniya ng kalihim na hindi siya sangkot sa iregularidad, ito ani Panelo ay kanilang pinaniniwalaan.

Binigyang-diin ng tagapagsalita na hangga’t walang matibay na ebidensiyang maipapakita ang mga nag-aakusa, mananatili aniya ang presumption of competence and integrity kay Secretary Diokno.

Batay sa alegasyon ni House Minority Leader Danilo Suarez kontra sa DBM chief, may impluwensiya ni Diokno ang P2.8 bilyong pisong infra-projects sa Casiguran at Sorsogon, gayung ang anak ng kalihim ay manugang ni Vice Governor Ester Hamor at Casiguran Mayor Edwin Hamor.  | ulat ni Alvin Baltazar