Malacañang naka-monitor sa bagyong Amang, kahandaan ng disaster-related agencies, tiniyak

Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa disaster preparedness and relief operations.

Ito ay sa gitna na rin ng patuloy na pagmomonitor mismo ng Palasyo sa bagyong Amang, na nag-land fall na sa Siargao Island kagabi.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nasa 2,500 family food packs na ang inihanda ng Department of Social Welfare Development (DSWD) para sa mga posibleng maaapektuhang residente ng bagyo.

Nasa warehouse na ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Surigao City Warehouse ang nabanggit na mga food pack.

Batay sa report na natatanggap ng Palasyo sa NDRRMC, nasa 2 ,678 na ang mga pamilyang naging subject ng pre-emptive evacuation efforts partikular sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Masbate, Eastern Samar, Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, and Surigao del Sur.

Kaugnay nito ay nanawagan ang Malacañang lalo na sa mga residenteng tatamaan ng bagyo, na maging mapagmatyag at i-monitor ang pinakahuling weather advisory at makipag-ugnayan sa mga local disaster and risk reduction management office para sa kaukulang aksyon at kakailanganing tulong. | ulat ni Alvin Baltazar