Malacañang, nadismaya na hindi naabot ang GDP growth target sa Q4 ng 2018

Aminado ang Palasyo ng Malacañang na nakakaramdam sila ng pagkadismaya sa gitna ng hindi naabot na 6.5 hanggang 6.9 percent gross domestic product o GDP growth target ng gobyerno para sa taong 2018.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, may kinalaman ang nangyaring inflation o pagtaas sa presyo ng mga bilihin kaya hindi naabot ang 6.9 percent target na GDP growth.

Sinabi ni Panelo na kung wala sanang nangyaring inflation, hindi malayong nakamit o nalampasan pa sana ang GDP growth target noong isang taon.

Sa gitna nito’y nangako ang Malacañang na mas magta-trabaho pa ang pamahalaan para makamit ang tinatarget na GDP growth sa pangunguna ng mga economic managers.

“The best is yet to come” ayon sa tagapagsalita, lalo’t walang ibang tanging hangad ang Presidente kundi ang mabigyan ng komportableng pamumuhay ang mga Pilipino.

Batay sa inilabas ng Philippine Statistics Authority, pumalo lang sa 6.1 percent ang growth rate sa gross domestic product ng bansa sa huling quarter ng 2018.  | ulat ni Alvin Baltazar