Malacañang, muling iginiit na hindi na naghahangad pa si Pangulong Duterte na masundan ang termino nito pagkatapos ng 2022

Muling binigyang diin ng Malacañang na wala sa bokabularyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magtagal pa sa poder ng kapangyarihan pagkatapos ng taong 2022.

Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mismong ang Presidente na ang nagpahayag na ayaw na niyang masundan pa ang kanyang termino at sa halip, mas nais nga nitong mapaaga pa ang pagbaba sa puwesto na maaaring mangyari sa sandaling maipasa ang bagong Saligang Batas para sa Pederalismo.

Ganito rin ang inihayag ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, na nagsabi sa mga nagnanais na mapatalsik ang Pangulo sa puwesto na hintayin na lang matapos ang termino ng Presidente, dahil tiyak namang uuwi ito ng Davao sa sandaling mabuo na nito ang anim na taong termino.

Batay kasi sa pahayag ni Consultative Subcommittee on Political Reforms Chairman Julio Tehankee, maaari pang maging Pangulo ng bansa si Duterte hanggang taong 2030 sa ilalim ng binuong draft ng federal constitution.

Paliwanag ni Tehankee, walang probisyon na nagbabawal kay Pangulong Duterte na muling tumakbo sa ilalim ng panukalang saligang batas para sa federal government.

Kaya kung tatakbo anya si Duterte sa taong 2022 sa ilalim ng bagong federal govt at manalo ay maaari pa siyang tumakbo para sa re-election sa taong 2026 para sa ikalawang termino hanggang sa taong 2030. | ulat ni Alvin Baltazar