Malacañang, kumpiyansang mababasura lang ang impeachment complaint laban sa 7 mahistrado ng Korte Suprema

Pupulutin lamang sa kangkungan ang impeachment complaint na inihain ng opposition lawmakers laban sa pitong mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition na nagpatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa ginanap na press briefing sa Malacañang.

Ayon sa Palace spokesperson, madi-dismiss lamang ang impeachment case na ito dahil sa kawalan ng merito.

Paliwanag ni Roque, malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na hindi maaaring maging impeachable offense ang kanilang naging desisyon sa isang kaso na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Korte Suprema.

Nakasaad rin aniya sa Konstitusyon na kabilang sa hurisdiksiyon ng Supreme Court Justices ang pagdedesisyon sa mga petition for quo warranto. | ulat ni Alvin Baltazar