Malacañang, kumpiyansang hindi uusad ang mga kaso laban kay Pangulong Duterte sa ICC

Insultong maituturing para sa Malacañang sa lahat ng mga abogado, huwes at mga Pilipino ang isinampang kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ihahain lang dapat ang asunto sa ICC kung hindi na umuusad ang criminal justice system sa bansa.

Ayon kay Roque, ilan sa mga bansang walang gumaganang criminal justice system ay ang Congo, Uganda, Sudan, Central African Republic, Kenya, Libya, Mali, at Georgia.

Taliwas ani Roque ito sa sitwasyon ng Pilipinas na aktibong-aktibo ang criminal justice system.

Naniniwala si Roque na bago pa man humantong sa preliminary investigation ang reklamo laban sa Pangulo, posibleng hindi na ito umusad pa dahil malinaw namang may umiiral na criminal justice system ang bansa.

Pangalawa, mali rin aniya na kasuhan ng extra judicial killings o EJK’s ang Pangulo dahil wala namang ganitong mga pangyayari o krimeng nagaganap sa bansa.

Ikatlo, wala naman aniyang direktang pag-amin si Pangulong Duterte na mayroon siyang ginawang mga pagpatay.  | ulat ni Alvin Baltazar