Malacañang, kinundena ang pagpapasabog sa isang mosque sa Zamboanga City

Mariing kinondena ng Malacañang ang nangyaring pagpapasabog sa isang mosque sa Zamboanga City, na ikinamatay ng dalawang Muslim follower at ikinasugat ng apat na iba.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, ang pinakabagong “act of murder” kasunod ng pambobomba sa Jolo, Sulu ay malaking hamon sa kakayahan ng gobyerno na protektahan ang mga mamamayan sa Mindanao.

Ayon kay Sec. Panelo, ang magkakasunod na pag-atake ay nagpapakita ng kawalan ng Diyos at awa ng mga responsableng mamamatay tao.

Iginiit ni Sec. Panelo, na gagawin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang makakaya upang tugisin ang mga nasa likod ng pagpapasabog at upang mapanagot ang mga ito sa batas.

Sa kabila nito, tiniyak ni Sec. Panelo na hindi naduduwag ang mga taga-Mindanao at tuloy lamang ang kanilang araw-araw na aktibidad, kasabay ng pagiging alerto sa mga kahina-hinalang bagay o indibidwal sa kanilang kapaligiran. | ulat ni Racquel Bayan