Malacañang, ipinaliwanag ang patuloy na pagsagot sa pahayag ng mga kritiko kaugnay sa WPS

Ipinaliwanag ng Malacañang kung bakit patuloy na sinasagot ng pamahalaan ang mga banat at batikos ng mga kritiko ng administrasyon, kaugnay sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi kasi maaaring manahimik na lamang ang Palasyo at hayaang maniwala ang publiko sa mga kasinungalingan ng mga kritiko.

Ayon kay Secretary Roque, ibinabalik lang ng administrasyon ang kasaysayan, upang makita ng publiko kung sino ang nagsisinungaling at sino ang nagsasabi ng katotohanan.

“Tama, dapat magkaisa. Pero wala pong tigil ang pagpupula at pagbibintang ng kritiko, hindi naman pupuwedeng manahimik ang Presidente, kaya ibinabalik po niya ang kasaysayan ng makita kung sino ang nagsisinungaling at kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.” —Secretary Roque.

Sinabi rin ng kalihim, na marahil ay kaya pinalulutang ng mga kritiko ang usapin sa WPS, ay dahil naghahanap sila ng isyung maibabato lalo at malapit na ang eleksyon.

“Lahat naman po nitong pagpupula sa West Philippine Sea ay dahil wala na silang ibang mapula kay Presidente, naghahanap ng isyu para sa eleksiyon. Huwag naman po sa panahon ng pandemya, isantabi muna po iyan.” —Secretary Roque.