Malacañang, iniimbestigahan na ang report ng COA tungkol sa ad placement ng DOT sa media outfit ng Tulfo brothers

Iniimbestigahan na ng Malacañang ang report ng Commission on Audit (COA), ang tungkol sa 60 million pesos na halaga ng ad placements ng Department of Tourism (DOT), na idinaan sa media outfit na pag-aari ng Tulfo brother o ng mga kapatid ni Tourism Secretary Wanda Teo.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kanina sa press briefing sa Palasyo.

Ayon pa kay Roque, nakarating na sa Pangulong Rodrigo Duterte ang impormasyong ito, kasabay ang pag-uutos na silipin ang nasabing report.

Ang resulta aniya ng sariling imbestigasyon ng Malacañang ang siyang magiging basehan ng gagawing aksyon ng Palasyo.

Samantala, sa ngayon ay wala siyang nakikitang dahilan para alisin pansamantala sa pwesto si Secretary Teo habang gumugulong ang imbestigasyon sa isyu. | via Nimfa Mae Asuncion