Malacañang, inalmahan ang ulat na “war zone in disguise” ang Pilipinas 

Tinawag na ignorante at biased ng Malacañang ang inilabas na 2018 report ng Armed Conflict Location and Event Data Project, na nagbabansag sa Pilipinas bilang isang “war zone in disguise.”

Sa naturang report ng non-government organization (NGO) na nakabase sa Estados Unidos, isinama nito ang Pilipinas sa hanay ng iba pang mga bansa gaya ng Syria, Yemen, Afghanistan at Iraq.

Sa statement na inilabas ng Malacañang, sinabi nitong wala namang pinagbasehang matibay na ebidensiya ang naturang report at ang konklusyon nito ay kinuha lamang sa mga bulag na kritiko ng Duterte administration, gaya ng Human Rights Watch at Amnesty International, gayundin ng iba pang partisan media outfits gaya ng Rappler, New York Times at Reuters.

Sinabi ng Malacañang, na mapanlinlang ang naturang report gayung pinalalabas nitong isa ang Pilipinas sa mga pinakamapanganib na bansa dahil sa masidhing kampanya nito sa iligal na droga, na maging ang mga inosenteng sibilyan ay tinatamaan.

Pagbibigay diin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung maituturing na peligroso man ang Pilipinas, ito ay sadyang delikado para sa drug manufacturers, dealers, adik, kriminal, mga terorista, korap at mga abusadong taong nasa kapangyarihan.

Sa kabilang banda ay maituturing din aniya ang Pilipinas bilang isa sa mga may pinakamalayang lugar sa larangan ng pamamahayag, dahil malayang nakakapuna at nakakabatikos ang mga kritiko ng administrasyon, kahit walang anumang basehan at hindi kailanman inasunto sa korte. | ulat ni Alvin Baltazar