Malacañang, iginiit na mas pinahahalagahan ng pamahalaan ang hinaharap sa mga pinatutupad nitong polisiyang pangkalikasan

Binigyang-diin ng Malacañang na bahagi rin ng istratehiya nila sa pagpapa-unlad ng bansa ang pagpapahalaga at pagprotekta sa kalikasan.

Iyan ang binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa harap na rin ng naging pahayag ni Socioeconomic Secretary Ernesto Pernia na kabilang sa pagbagal ng ekonomiya ng bansa ngayong ikalawang bahagi ng taon ang pagsasara ng Boracay Island at ang paghihigpit ng pamahalaan sa mga mining companies.

Paliwanag ni Roque, gagamitin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang police powers para protektahan ang kalikasan lalo’t binibigyan niya ito ng mataas na prayoridad.

Hindi rin aniya nagsisisi o hihingi ng paumanhin ang Pangulo sa mga naging desisyon na ito ng gobyerno.

Ipinahayag pa ni Roque na kung patuloy na bababa ang gross domestic product o GDP ng bansa dahil sa pagprotekta ni Pangulong Duterte sa kalikasan ay hayaan lang ito dahil mas binibigyang-halaga ng gobyerno ang hinaharap at hindi lamang ang kasalukuyan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion