MalacaƱang sa Kongreso: Gumawa ng nat’l quarantine law sa harap ng mga paglabag ngayong panahon ng pandemya

Umaasa ang Palasyo na gagawa ng hakbang ang Kongreso para lumikha ng batas na may kinalaman sa pagbalangkas ng national quarantine law.

Ito’y para na din sa pagkakaroon ng malinaw na batas partikular sa kung anong kaparusahan ang dapat ipataw laban sa mga lalabag sa ipinatutupad na health at quarantine protocol.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa ibang mga bansa ay may ipinaiiral ng malinaw na panuntunan tungkol dito na kung saan ay itinatakda ang mabigat na parusa sa mga violators.

Ang mayroon aniya tayo ngayon ay mga ordinansa at specific provisions ng Revised Penal Code na pwede namang gamiting batayan sa pagpapatupad ng aksyon laban sa mga lumalabag.

Pwede na aniya ang reckless imprudence na ipataw sa mga pasaway na may katapat na parusang kulong pero mas maiging magkaroon ayon kay Roque ng national law on quarantine na nasa hurisdiksyon na ng Kongreso.