Malacañang, hindi pa rin makapaniwala sa lawak ng problema sa ilegal na droga

Magpahanggang ngayo’y ikinagugulat pa rin ng Malacañang kung gaano kalala ang kinakaharap na problema ng bansa sa ilegal na droga.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, siya mismo ay hindi pa rin makapaniwala kung gaano na karami ang nagawang buy bust operation ng mga otoridad, sa gitna ng wala pa ring humpay na kampanya ng administrasyon kontra sa ipinagbabawal na gamot.

Sinabi ni Panelo, na sa kabila ng maigting na krusada ng pamahalaan simula pa noong maupo ang Duterte Administration, ay tila “grabe” pa rin ang drug situation na kinakaharap ng bansa.

Dagdag pa ni Panelo, kahit marami-rami na rin ang bilang ng mga nasasawing drug suspect sa anti-illegal drug operation ay nananatiling problema ang ilegal na droga.

Kaya sabi ng tagapagsalita ng Palasyo, makatwiran lang na ipagpatuloy ang maigting na kampanya ng gobyerno kontra illegal drugs. | ulat ni Alvin Baltazar