Malacañang, handang gamitin ang buong puwersa ng batas kontra Kadamay kung muli itong magtatangkang mang-agaw ng mga pabahay

Nagbabala ang Palasyo ng Malacañang na gagamitin ng gobyerno ang batas para mapanagot ang ginagawang pag-ookupa ng grupong Kadamay sa mga pabahay ng gobyerno para sa mga pulis at sundalo.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsalita na noong una pa si Pangulong Rodrigo Duterte sa insidente ng pang-aagaw ng pabahay ng Kadamay sa Bulacan noong isang taon.

Iyon na aniya ang una at huling pagkakataon na magagawa iyon ng grupo.

Direktiba aniya ng Presidente sa mga pulis, huwag papopormahin ang mga Kadamay sa alinmang housing projects ng pamahalaan

Kahapon ay muling nagtangka ang Kadamay na muling makapang-agaw ng pabahay sa San Isidro, Rodriguez, Rizal pero nabigo ang mga ito dahil sa naging maagap na aksyon ng puwersa ng kapulisan. | ulat ni Alvin Baltazar