Malacañang, bumuwelta sa pinakahuling banat ni Senador De Lima

Hindi pinalampas ng Palasyo ng Malacañang ang panibago na namang banat ni Senador Leila de Lima sa pamahalaan.

Sa pinakahuling patutsada kasi ng Senador, sinabi nitong hindi kayang protektahan ng aniya’y “gangster-like antics” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tao mula sa mga terorista.

Buwelta ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa nakaditineng mambabatas, mas mabuting magmuni-muni ito at manalangin sa halip na puro madidilim na bagay ang nakikita nito sa kanyang pagkakapiit.

Sa halip na suporta ang dapat sanang ibigay nito sa tropa ng gobyerno na nasa Mindanao at makiramay sa mga naiwang pamilya ng mga nasawing sundalo, nakakadismaya ani Panelo na sisi pa mula sa babaeng mambabatas ang natikman partikular ng mga nasa intelligence community.

Baka rin daw nalilimutan ni De Lima, na si Pangulong Duterte ang Presidenteng nanguna at nagpursigeng durugin ang teroristang ISIS, nagdeklara ng giyera kontra iligal na droga, kriminalidad at korapsiyon.

Ang nasabing pag-atake ani Panelo ay galing sa tinawag niyang “irrelevant political entity” na wala ng puwang sa Kongreso, at nagpipilit lang na mapansin ng publiko gamit ang pangalan ng Presidente.

Mas lalo lang aniyang nagiging kaawa-awa at kalunos-lunos ang sitwasyon ni De lima sa mga ganitong uri ng istilo. | ulat ni Alvin Baltazar