Malacañang: BuCor officials, mananatili sa kanilang puwesto habang gumugulong ang Senate investigation 

Wala munang maaasahang sibakan sa hanay ng mga opisyales ng Bureau of Corrections (BuCor).

Batay na rin ito sa bahagi ng statement na inilabas ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo kaugnay sa kasalukuyang estado ng mga opisyales ng BuCor.

Ayon kay Panelo, status quo muna sa kani-kanilang mga puwesto ang lahat ng mga opisyales ng ahensiya, kabilang na si BuCor Chief Nicanor Faeldon,habang patuloy ang paggulong ng isinasagawa ngayong imbestigasyon.

Binigyang diin ni Panelo, na masusing mino-monitor ng Presidente ang pagdinig sa Senado at ikukunsidera nito ang resulta ng imbestigasyon.

Nangangahulugan ito, na stay put at walang maaasahang galawan sa pamunuan ng BuCor, sa gitna ng malakas ng panawagan na sibakin o magbitiw na sa puwesto si Faeldon, dahil sa kontrobersiyang muntik nang paglaya ni convicted murderer at rapist Antonio Sanchez, gayundin sa paglaya ng mga pumatay sa magkapatid na Marijoy and Jacqueline Chiong.