Malacañang, binigyang-diin na nananatili ang respeto nito sa mga kaalyadong Western countries sa gitna ng independent foreign policy ng Pangulo

Kasabay ng paninindigan ng Duterte administration hinggil sa tindig nito sa independent foreign policy, inihayag ng Malacañang na nananatili ang respeto ng Pilipinas sa mga Western country-allies nito.

Partikular na dito ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar ay ang Estados Unidos na sa matagal na panahon ay napokus lamang ang pakikipag-kaibigan ng Pilipinas sa Amerika.

Ganunpaman, kailangan aniyang palawigin ng bansa ang pakikipag-kaibigan sa iba pang mga nasyon gaya ng Russia at China na ginagawa ngayon ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Duterte.

Sa panayam kay Andanar ng Russian TV, sinabi nitong naririyan pa rin naman ang RP-US ties at sa katunayan ay patuloy na umiiral ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa.

Hindi kataka-taka ayon kay Andanar na hindi agad matanggap o magkaroon ng “resistance” sa polisiyang ito ng Presidente.

Natural lang ayon sa kalihim na sa tuwing may pagbabago, asahan ng may hindi agad sasang- ayon upang tanggapin ito gaya ng ipinupursigeng foreign policy ng Pilipinas sa ilalim ng Duterte leadership.