Malacañang, binigyang diin na hindi “for show” lang ang pagsibak sa pwesto sa ilang opisyal ng gobyerno

Iginiit ng Malacañang na hindi pakitang-tao lang ang ginagawang pagsibak sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilan sa matataas na opisyal ng gobyerno.

Sa press briefing sa South Korea, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na hindi palabas at hindi gimik lang ang pagsisante ng Pangulo sa mga nakaupo sa pamahalaan.

Pagbibigay-diin ni Roque, patunay dito na ang karamihan sa mga tinanggal na sa pwesto ng Pangulo ay ang mismong mga malalapit sa kanya lalo na noong panahon ng kampanya.

Pagdating naman sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nasibak na mga opisyal nang dahil sa alegasyon ng korapsyon, muli ring iginiit ni Roque na wala sa kapangyarihan ng Pangulo ang pagsasampa ng kaso kundi nasa Office of the Ombudsman.

Mahaba aniya ang proseso ng pagsasampa ng kaso at nakikita rin naman na isa-isa nang nasasampahan ng kaso ang mga ito.

Matatandaang isa sa mga pinakabagong tinaggal ng Pangulo sa pwesto si dating Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Officer in Charge Maria Celestina Jude Dela Cerna dahil sa magastos nitong travel expenses.| ulat ni Nimfa Mae Asuncion