Malacañang, binati ang mga bagong Barangay at SK officials sa buong bansa

Nagpaabot ng pagbati ang Palasyo sa mga nanalong Barangay at Sangguniang Kabataan officials kasunod ng isinagawang halalan kahapon.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ito ang unang democratic electoral exercise sa ilalim ng Duterte administration at nagpapasalamat aniya ang Malacañang sa publiko dahil sa kooperasyon na ibinigay nito dahilan upang maging tahimik at matagumpay ang halalan sa buong bansa.

Batay aniya sa datos ng National Election Monitoring Action Center sa Campo Crame ay umabot sa 47 ang naitalang karahasan mula ng mag-umpisa ang election period noong April 14 at pito pa lamang sa mga ito ang napatunayang election related.

Wala din naman aniyang naitalang malaking banta sa seguridad sa nagdaang halalan ang Armed Forces of the Philippines.

Ibinalita din naman ni Roque na natanggap na ng mga guro na nagsilbi sa halalan ang kanilang mga cash card para matanggap ang kanilang honorarium at para sa mga hindi pa nakatatanggap ay makukuha na ito ngayong araw. | via Alvin Baltazar