Malacañan, umaaasang nasa 35% ng populasyon ng bansa ay bakunado laban sa COVID, pagsapit ng Agosto

Positibo ang Malacañan na magagawang mabakunahan ng pamahalaan ang 35% ng kabuuang populasyon ng bansa o tinatayang 110 million na Pilipino pagsapit ng Agosto.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tulad ng sinabi ng mga eksperto, magkakaroon lamang ng impact ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan kapag fully vaccinated na ang 35% ng populasyon ng bansa.

Aniya, maisasakatuparan ito kung masusunod ang simultaneous vaccination na plano ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, prayoridad ng National Task Force Against COVID-19 na mabigyan ng bakuna ang mga nasa high risk areas kabilang na ang NCR+ areas, Cebu at Davao city.

Nauna nang naiulat na ngayong buwan, nasa pitong milyong doses ng COVID vaccines ang inaasahang matatanggap ng bansa at darating pa ang mas malalaki pang volume ng bakuna sa mga susunod na buwan.