Malacañan, nagpaabot ng pasasalamat sa patuloy na tiwala ng publiko sa liderato ni Pangulong Duterte

Nagpapasalamat ang Malacañan sa patuloy na tiwala na ipinakikita ng publiko sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pahayag ito ni Presidential Spokespeson Harry Roque kasunod ng Pulse Asia Survey, kung saan lumalabas na nanguna sina Davao City Mayor Sara Duterte at Pangulong Duterte sa top bets para sa President at Vice President 2022 National Elections survey.

Sa nabanggit na survey, lumabas na top choice na kandidato sa pagka-pangulo si Mayor Sara na nakakuha ng 28 percent. Habang si Pangulong Duterte, ay nanguna naman sa vice presidential bet na nakakuha ng 18 percent.

Ayon sa kay Secretary Roque, patunay lamang ito na kahit ano man ang ibato ng mga kritiko sa kasalukuyang administrasyon, naniniwala ang mga Pilipino sa liderato ng Pangulo.

“Nagpapasalamat po kami sa tiwala ng taumbayan na ibinigay kay Presidente at kay Mayor Sara Duterte. Iyan po ay nagpapakita na kahit ano pa ang ipukol ng mga kritiko ni Presidente laban sa kaniya ay patuloy pa rin pong nagtitiwala at naniniwala ang sambayanang Pilipino sa liderato po ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.” —Secretary Roque.