Makati LGU, gumagamit ng randomizer sa pagtukoy ng ituturok na COVID vaccine brand

Iginiit ng Lokal na Pamahalaan ng Makati, na may karapatan ang mga residente na malaman ang brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila.

Ayon kay Makati City Spokesperson Atty. Don Camiña, maaari namang tumanggi ang mamamayan na magpabakuna.

Inilalagay aniya sila sa deferral list, pero hindi makapagbibigay ng petsa ang city government kung kailan sila muling mababakunahan.

Paliwanag ni Camiña, mayroon silang ginagamit na electronic bakuna roleta o randomizer para matukoy kung anong brand ang ituturok.

Sa pamamagitan nito, ay nabibigyan umano ng pagkakataon ang lahat, mayaman man o mahirap, ng pantay-pantay na access sa available na bakuna.

Dagdag pa ng opisyal, kapag naturukan na ng unang dose ay inilalagay sa records ng city hall at sa vaccination card na may bar code, kung ano ang kanilang natanggap kaya ito na rin ang ibibigay sa second dose.