Makati City gov’t, umaasang dadami pa ang nurses na tutulong sa COVID-19 response

Inihayag ng Lokal na Pamahalaan ng Makati na nakapag-hire ito ng karagdagang 56 nurses, para tumulong sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa kabuuan, ay 493 na ang mga nagtatrabahong nurses sa lungsod, kung saan simula noong March ay 38 ang na-assign sa Makati Health Department habang 18 sa Ospital ng Makati.

Ayon kay Mayor Abby Binay, malaking bagay ang dagdag-sahod na inaprubahan ng City Council para sa entry-level nurses, mula Salary Grade 11 patungong SG 15 o katumbas ng P9,737 na umento.

Dapat lamang aniyang suklian ang sakripisyo ng frontliners, lalo at may mga breadwinner sa kanilang pamilya na nagsusumikap para labanan ang COVID-19.

Umaasa din ang alkalde, na ngayong mas mataas na ang sweldo ng mga nurse ay maeengganyo na silang bumalik sa kanilang propesyon at maglingkod sa mga kapwa Pilipino sa halip na pumasok sa ibang trabaho o mag-abroad.

Bukod sa basic salary, tumatanggap din ang health workers ng Makati ng personnel economic relief allowance, hazard pay, subsistence allowance, at laundry allowance.

Mababatid na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang karagdagang pondo na P55.17 million, upang maipatupad ang pagtaas ng sahod ng entry-level position na Nurse 1 sa 32,053 pesos.