Makabayan bloc, muling umapila sa Korte Suprema na maging intervenor sa quo warranto proceedings vs Sereno

Sa unang araw ng pagsalang sa oral argument ng quo warranto petition laban kay Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno ay naghain naman ng motion of reconsideration sa Korte Suprema ang Makabayan bloc sa Kamara.

Nanindigan ang progresibong grupo na dapat silang pahintulutan na maging bahagi o intervenor sa quo warranto proceedings.

Iginiit rin nito ang nakasaad sa Rule 19 ng Rules of Court na nagsasabing ang isang  tao na may legal interest sa isang kaso ay papayagan na maging bahagi nito.

Nag-ugat umano ang kanilang legal interest sa kanilang paniniwala, na bilang isang impeachable officer, ang tanging paraan lamang para mapaalis sa pwesto si Sereno ay sa pamamagitan ng impeachment proceedings.

Napagkakaitan din umano sila ng kanilang kolektibong karapatan na pagbotohan sa Kamara de Representantes ang kasasapitan ng impeachment complaint na inihain ni Atty. Larry Gadon.

Isa pa sa ikinababahala ng mga ito ay posibilidad na paburan ng Korte Suprema ang quo warranto petition, at magiging moot and academic na ang impeachment process sa Kongreso. | via Merry Ann Bastasa

Photo courtesy: https://bit.ly/2JzwDR2