Major Service Commands ng AFP, isa-isang nagpahayag ng suporta sa Pangulo

Isa-isang nagpahayag ng pagsuporta sa Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tagapagsalita ng mga major service commands ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa gitna ng umuugong na “Red October” ouster plot.

Sa magkakahiwalay na statements, ay magkakaparehong idineklara ng mga tagapagsalita ang katapatan ng kanilang mga tropa sa Konstitusyon at sa chain of command.

Unang tiniyak ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Villanueva na solidong nasa likod ng Pangulong Duterte ang buong 96,000 pwersa ng Philippine Army, at walang nagaganap na recruitment sa kanilang hanay para mag-aklas laban sa pamahalaan.

Sinabi naman ni Philippine Navy Spokesperson Commander Jonathan Zata, na abala ang Navy ngayon sa napakaraming aktibidad, tulad ng pagbisita sa Vladivostok, maritime training activities kasama ang ibang mga bansa, at rescue and relief operations sa Norte, para makilahok sa anumang planong destabilisasyon.

Ayon naman kay Philippine Airforce Spokesperson Maj. Aristides Galang, nakatutok ang Airforce sa modernization program at mataas ang kanilang morale sa dami ng kanilang nakuhang bagong kagamitan, kaya walang makukuhang suporta sa kanilang hanay ang mga kalaban ng pamahalan.

Itinanggi naman ni Capt. Jerber Anthony Belonio, tagapagsalita ng Philippine Marines na nagpakalbo ang kanilang mga sundalo bilang senyas ng pagprotesta, sadya lang aniyang regulation haircut ang pagpapakalbo sa mga bagong recruit.  | ulat ni Leo Sarne