Mahinang ‘cyber security’ ng mga website ng gobyerno, itinanggi ng DND

Itinanggi ng Department of National Defense (DND) na mahina ang ipinatutupad na cyber security sa websites ng pamahalaan, kaya naha-hack ang mga ito.

Sa isinagawang “Cyberbayahihan Forum 2.0” sa Camp Aguinaldo kahapon, sinabi ni Director Nebuchadnezzar Alejandrino ng DND, na nagtayo ng Cyber-Operations Center ang pamahalaan para pangalagaan ang seguridad ng mga website ng gobyerno.

Ayon kay Alejandrino, maging ang mga database ng Pentagon at CIA ay na-hahack pero hindi ito nangangahulugan na mahina ang kanilang seguridad.

Aniya, sa scale of 1 to 10, sa kanyang estimate ay nasa 6 o 7 ang level of security ng mga website ng gobyerno.

Sa naturang forum, iminungkahi naman ni Angel Redoble, Founding President ng Philippine Institute of Cyber Security Professionals, na lumikha ng sariling “cyber-warriors” ang pamahalaan.

Sa halip na mag-focus ang pamahalaan sa paghahabol ng mga hacker, ay mas mabuti na may sariling hackers ang pamahalaan para pangalagaan ang seguridad ng kanilang mga website. | ulat ni Leo Sarne