Mahihina hanggang sa malakas na pag-ulan, magpapatuloy dahil sa epekto ng habagat; isa pang bagyo, binabantayan ng PAGASA

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather bureau na magpapatuloy pa ang nararanasang mga pag-ulan epekto ng hanging habagat na pinalalakas ng bagyong Domeng na nasa loob pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay Weather Specialist Obet Badrina, nakapaloob ang bagyo sa tinatawag na monsoon trough o serye ng low pressure systems na nagdadala ng mahihina hanggang sa malalakas na pag-ulan ngayong Huwebes hanggang sa weekend.

Sabi pa ni Badrina, partikular na iiral ang naturang panahon sa Western Visayas, Mimaropa region at Western Luzon kabilang na ang Metro Manila, Ilocos Region, Bataan at Zambales na posibleng magdulot ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa.

Batay sa pinakabagong weather bulletin ng PAGASA ngayong hapon, bahagyang lumakas ang bagyong Domeng na huling namataan sa layong 835 kilometers silangan ng Casiguran, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 kilometers per hour (kph), pagbugsong 65 kph malapit sa gitna at kumikilos sa direksyong north-northwest sa bilis na 15 kph.

Inaasahan na tuluyang makalalabas ng PAR sa gabi ng araw ng Linggo (June 10) ang bagyong Domeng na kikilos sa direksyon ng Southern Japan.

Samantala, todo ring binabantayan ng weather bureau ang tropical storm Ewiniar na nasa bahagi ng China.

Ito ay nakapaloob rin sa monsoon trough na magpapalakas sa habagat pero ‘di gaya ng bagyong Domeng, ito ay sinasabing tatama sa kalupaan ng Tsina, dahilan para humina ang lakas nito. | ulat ni Shane Juan