Mahigpit na pagpapatupad ng curfew sa NCR, ipinag-utos ni Eleazar

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) na mahigpit na ipatupad ang curfew hours sa oras na maging epektibo ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR.

Kasabay ito ng paghihigpit sa mga border control mula Agosto 6 hanggang Agosto 20.

Sinabi ni Eleazar na nauunawan niya ang sinasabing “quarantine burnout” na nararamdaman ng mga mamamayan, pero mali aniya ang pananaw na walang nagagawa ang paghihigpit.

Ayon kay Eleazar ang mas mahabang curfew sa NCR mula alas-8 ng gabi hanggang alas- 4 ng umaga at istriktong border control ay makakatulong upang mapigilan ang mass gathering at super spreader events.

Hinimok ni Eleazar ang publiko na sunding maigi ang minimum health safety standards at quarantine protocols para maiwasan ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant.

Nakita na aniya ang epekto ng Delta variant sa India at nararapat lang ang agarang aksyon ng pamahalaan bago mauwi sa sisihan.