Mahigit sa 200 business establishments sa Boracay, nagmulta ng P43M dahil sa paglabag sa “environmental laws’

Umabot sa 219 na business establishments sa Boracay ang nagmulta ng aabot sa P43 million matapos mapatunayan ng Pollution Adjudication Board (PAB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lumabag ang mga ito sa “environmental laws.”

Ang PAB ay isang judicial body na dumidinig sa mga kasong nanggagaling sa DENR regional office ukol sa paglabag sa mga batas sa kapaligiran.

Base sa report ng PAB, ang multang ipinataw sa mga establisyimento sa Boracay na mayroong paglabag sa environmental laws ay mula sa P10,000 hanggang sa isang milyong piso, base sa haba ng panahon at lala ng paglabag ng mga ito.

Ayon kay PAB presiding officer at DENR Undersecretary Rodolfo Garcia, napadalhan na ng notice ang mga business owner na obligadong magbayad ng multa dahil sa kanilang mga paglabag.

Aniya, tanging ang mga business establishment na nakapagbayad ng multa ang makakapag-proseso ng kanilang permit to operate at kinakailangang hindi na muling lalabag sa “environment laws.”

Sinabi pa ni Garcia, na magpapatuloy ang rehabilitasyon ng Boracay kahit na binuksan na ito sa mga turista nitong nakalipas na Biyernes.

Base sa talaan, 110 establisyimento sa kabuuang 209 ang napatunayang lumabag sa Section 1, Rule 19 ng Republic Act (RA) 8749 o Philippine Clean Air Act, 72 naman ang walang kaukulang ‘discharge permit’ para sa water pollutants na nakasaad sa Section 27(c) ng RA 9275 o Comprehensive Water Quality Management Act, lima ang lumabag sa “clean water law,” habang may 22 ang nakitaan pa ng mga paglabag. | ulat ni Ched Oliva