Mahigit P3-M halaga ng party drugs, nasabat sa NAIA

Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of NAIA (BOC-NAIA), ang nasa 622 gramo ng ketamine party drugs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Batay sa ulat ng BOC, nagmula ang package sa Malaysia at idineklarang naglalaman ng snacks.

Nang dumaan sa X-ray inspection at K-9 sweeping ang package ay nagduda na ang mga awtoridad, kaya isinailalim ito sa physical examination.

Doon na nadiskubre ang P3.11 million na halaga ng party drugs, na nakatago sa 15 sachets ng white coffee.

Ang ketamine na tinatawag ding “Special K” o “K,” ay nilikha bilang anesthetics pero kadalasang naaabuso dahil sa pampakalmang epekto.

Naaresto naman sa ikinasang joint controlled delivery operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), BOC at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa Caloocan, ang umano ay authorized representative consignee na si Kristopher Segumbang at isang Nick Dimagiba, matapos i-claim ang package.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.