Mahigit P1 milyong halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust operation sa Muntinlupa

Naaresto ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit at District Intelligence Division ng Southern Police District (SPD), ang dalawang babaeng umano ay tulak at gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng isang mall sa Alabang, Muntinlupa City.

Kinilala ni SPD Director Police Brigadier General Jimili Macaraeg, ang mga suspek na sina Roxane Alcaide na sinasabing drug pusher at kasama nitong si Joana Leoncio.

Naganap ang buy-bust operation sa loob ng isang fast food chain sa Star Mall Alabang.

Sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency, ay umabot sa P1.3 million na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nasabat ng mga awtoridad mula sa mga suspek.

Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Section 5, 11 at 26 ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

Sinabi ni Macaraeg, na sana ay magsilbi itong leksyon sa lahat na iwasang maging sangkot sa illegal drug activities, dahil tiyak na hahabulin ng Philippine National Police (PNP) ang mga indibidwal o grupong gumagawa nito.