Mahigit 9,000 pulis, ipapakalat para sa nalalapit na 30th SEA Games

Nasa 9,250 na tauhan ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad sa idaraos na 30th Southeast Asian Games.

Ayon kay Police Regional Office 3 Director Chief Supt. Joel Coronel,
ipapakalat ang kanilang mga tauhan sa New Clark City sa Tarlac, sa Subic at sa Philippine Arena sa Bulacan, kung saan, gaganapin ang opening ceremony.

Sa mismong opening, 4,000 pulis na ang kanilang ide-deploy.

Magsisilbi namang augmentation ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Health (DOH) at local government units (LGUs).

Magsisimula ang kanilang full deployment sa November 21, dahil November 22 ay magsisidatingan na ang mga atleta at delegado.

Nagpaalala din si Coronel na hindi papayagan ang pagdadala ng backpack sa mga venue, partikular sa loob ng stadium.  Magkagayunman, magkakaroon naman ng baggage deposit area, kung saan, maaaring iwan ang mga backpack.

Hindi rin aniya papayagan ang pagpapalipad ng drone, kahit sa mga media outfit, maliban na lamang kung makakuha ng pahintulot mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).