Mahigit 7K tauhan ng PNP at AFP, nagbabantay sa plebisito

May 7,312 tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nagbabantay ngayon sa plebisito sa Lanao del Norte at North Cotabato.

Ayon kay PNP Spokesperson Ssupt Bernard Banac, sa bilang na ito ay 5,573 ang mga pulis at 1,739 naman ang mga sundalo.

Sa Lanao Del Norte, nagdeploy ng 2,696 na tauhan ang Lanao Del Norte Provincial Police Office na may karagdagang 329 mula sa Provincial Regional Office (PRO) 7, 384 mula sa PRO 13, at 54 mula sa Special Action Force (SAF), para sa kabuuang 3,463.

Sa North Cotabato naman ay nagdeploy ng 1,204 tauhan ang North Cotabato Provincial Police Office, na may karagdagang 154 mula sa iba’t ibang PNP units at 52 mula sa SAF, para sa kabuuang 1,410.

Bukod sa mga ito, sinabi ni Banac na may naka-standby na contingency force ang PNP na kinabibilangan ng 300 SAF, 200 PRO 3 at 200 PRO 4A personnel para sa kabuang 700 pulis.

Kahapon ay personal na ininspeksyon ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang security preparations para sa idaraos na plebisito sa dalawang lalawigan sa araw na ito. | ulat ni Leo Sarne